Sa Paghahanap sa Tunay na Daan, Dapat ay May Taglay Kang Katwiran

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring masabing magkapantay. Ang Kanyang substansya at ang Kanyang gawain ay ang pinaka-di-maaarok at hindi-kayang-unawain ng tao. Kung ang Diyos ay hindi personal na gumagawa ng Kanyang gawain at bumibigkas ng Kanyang mga salita sa mundo ng tao, kung gayon hindi kailanman mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos, at sa gayon, kahit yaong mga naglaan ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi maaaring makatamo ng Kanyang pagsang-ayon. Kung wala ang gawain ng Diyos, gaano man kabuti ang ginagawa ng tao, mababalewala iyon, pagka’t ang mga pag-iisip ng Diyos ay palaging magiging mas mataas kaysa mga pag-iisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi maaarok ng tao. At sa gayon sinasabi Ko na yaong mga “nakakakita nang malinaw” sa Diyos at sa Kanyang gawain ay walang silbi, lahat sila ay mayabang at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; higit pa rito, hindi maaaring bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay mas maliit kaysa isang langgam, kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga patuloy na nagsasabi, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan” o “Ang Diyos ay tulad nito o noon”—hindi ba silang lahat ay mayabang? Dapat nating kilalaning lahat na ang mga tao, na siyang galing sa laman, ay napasamang lahat ni Satanas. Kanilang kalikasan na tutulan ang Diyos, at hindi sila kapantay ng Diyos, lalong hindi nila kayang mag-alok ng payo para sa gawain ng Diyos. Kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao ay gawain ng Diyos Mismo. Dapat magpasailalim ang tao, at dapat hindi magkaroon ng gayo’t gayong pananaw, pagka’t ang tao ay alabok lamang. Yamang sinusubukan nating hanapin ang Diyos, hindi natin dapat ipaibabaw ang ating mga pagkaintindi sa gawain ng Diyos para sa pagsasaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating mga tiwaling disposisyon upang sadyang subukan na tutulan ang gawain ng Diyos. Hindi kaya gagawin niyan tayong mga antikristo? Paano maaaring sabihin ng mga ganoong tao na sila’y naniniwala sa Diyos? Yamang tayo ay naniniwala na mayroong Diyos, at yamang ninanais natin na bigyang-kasiyahan Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat humanap ng paraan upang maging kaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat nakikipagmatigasan sa pagsalungat sa Diyos; anong kabutihan ang maaaring maibunga ng ganoong mga pagkilos?

Ngayon, ang Diyos ay may bagong gawain. Maaaring hindi mo tanggapin ang mga salitang ito, maaaring kakaiba ang pakiramdam mo sa mga iyon, subali’t ang payo Ko sa iyo ay huwag ibunyag ang iyong pagiging likas, pagka’t tanging yaong mga tunay na nagugutom at nauuhaw para sa pagkamatuwid sa harap ng Diyos ang maaaring makatamo ng katotohanan, at tanging yaong mga tunay na taos-puso ang maaaring maliwanagan at magabayan ng Diyos. Walang ibubunga ang paghahanap sa katotohanan sa pamamagitan ng pakikipag-away. Tanging sa paghahanap nang mahinahon tayo maaaring makakuha ng mga resulta. Kapag sinabi Ko na, “Ngayon, ang Diyos ay may bagong gawain,” ang tinutukoy Ko ay ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil hindi mo pinapansin ang mga salitang ito, marahil kinamumuhian mo ang mga iyon, o marahil ikaw ay may malaking interes sa mga iyon. Ano man ang kaso, inaasahan Ko na lahat niyaong mga tunay na naghahangad ng pagpapakita ng Diyos ay kayang harapin ang katotohanang ito at bigyan ito ng maingat na pagsasaalang-alang. Pinakamainam na huwag padalus-dalos sa mga pagpapasya. Ito ang paraan na dapat ikilos ng mga taong marurunong.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga kayang tumanggap ng katotohanan, nguni’t para sa mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang tapos; bukod pa rito, huwag maging mapagwalang-bahala at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat man lamang ninyong malaman na yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t walang-ingat na nagsasalita nang tapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang kapwa. Kayong lahat ay dapat maging isang taong makatwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, dahil narinig mo na ang daan ng katotohanan at nabasa na ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayo’y dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag masyadong magmalaki. Kapag may kaunting paggalang sa Diyos sa puso mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung ang mga iyon ay ang katotohanan o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil ilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, nagsasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimula kang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa panahon ng mga huling araw, at hindi dapat maging isang tao na lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil sa takot kayong malinlang. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang gayon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi ang pagpapahayag ng Diyos, sa kahuli-huliha’y mapaparusahan ka, at hindi magtatamo ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanang sinambit nang lantaran at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka naaakma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang tao na hindi pinapalad nang sapat upang makabalik sa harapan ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag magpadalus-dalos at mapusok, at huwag ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga inaasahan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang iyong sarili. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas ng Diyos—sapagka’t kung saan man naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saan man naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saan man naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saan man nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap ng mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, ang maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, hindi sila naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo pang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga pagkaintindi ng tao, lalo pang hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang kanyang payo, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga pagkaintindi. Hindi dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyon, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga pagkaintindi. Sa halip, dapat ninyong itanong kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos; ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

Kahit na ikaw ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang lahi, nararapat kang humakbang sa labas ng mga hangganan ng iyong sariling lahi, hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa pananaw ng isang nilalang. Sa ganitong paraan, hindi ka maglalagay ng mga hangganan sa mga yapak ng Diyos. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng ilang tao. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga pagkaintindi at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga pagkaintindi tungkol sa lahi o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang hindi ka masisikil ng sarili mong mga pagkaintindi; sa ganitong paraan lamang magiging karapat-dapat kang salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, lagi kang mananatili sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.

—mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya ipinalalagay ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang gawaing ayon sa Kanyang plano, nang hindi napipigilan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip na itong anyo, o marahil tinatanggihan sa iyong saloobin ang anyong ito, o marahil ang bansa kung saan ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang Sarili at sa mga tao kung kanino ibinubunyag ang Kanyang Sarili ay sadya lamang hindi kinalulugdan ng lahat at sadya lamang na ang pinaka-napag-iiwanan sa lupa. Nguni’t ang Diyos ay may Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nagtamo na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ng isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na, dahil natitiis ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, malaya mula sa mga paninikil ng kahit na anong anyo o bansa, ay upang makaya Niyang matapos ang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea, ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni’t naniwala ang mga Judio na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging katawang-tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang paghatol at pagkontra sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t sila rin ang bumabatikos sa Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong ng pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumubunghalit sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pambabatikos at pagsalangsang ng mga Judio? Hindi kayo nagpipitagan sa harap ng katotohanan, lalong hindi ninyo hinahangad ang katotohanan. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Maaari kayang makuha ninyo ang personal na patnubay ng Diyos? Kung hindi mo matatalos ang mga pagbigkas ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saan man nagpapakita ang Diyos, naroon ang pagpapahayag ng katotohanan, at naroroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Isantabi mo nga ang iyong mga pagkaintindi! Huminto at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka para sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Isantabi mo nga ang iyong mga pananaw tungkol sa “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas pa sa kakayanan ng pag-iisip at pagkaintindi ng tao. Mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; mas lampas sa pagkaintindi at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang sangkap ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukás sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatiran, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, at inuumpisahang sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at pagpasok tungo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Pinagmumulan:https://tl.easternlightning.org/possessed-of-reason-essentials.html

Write a comment

Comments: 0