Kaugnay sa Pangalan ng Diyos|Bakit May mga Pangalan ang Diyos, at Maaari bang Kumatawan ang Isang Pangalan sa Kabuuan ng Diyos?

 

 Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang pangalang Jesus ba—“Diyos kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos kasama natin, ay maaaring kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, nguni’t sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa lahat ng mayroon ang Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, nguni’t ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maihayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakamasagana at lumalampas sa karunungan ng tao. Ang wika ng tao ay walang kakayahan na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroong limitadong talasalitaan kung saan ay maibubuod ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa disposisyon ng Diyos: dakila, kagalang-galang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at marami pang iba. Masyadong maraming mga salita! Ang gayong kalimitadong talasalitaan ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao ukol sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming mga tao ang nagdagdag ng mga salita upang mas mahusay na mailarawan ang sigasig sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay totoong kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihang kagaya ng mga ito ay nakaabot sa kanilang sukdulan, nguni’t ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming mga pangalan, nguni’t wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagka’t ang pagiging Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong hindi sapat. Ang isang tukoy na salita o pangalan ay walang kakayahan upang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya maaari ba Siyang gumamit ng iisang permanenteng pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, kaya bakit hindi mo Siya hinahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang isinasagawa. Ginagamit Niya ang tukoy na pangalang ito, ang isang nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon ng mga karanasang espirituwal at personal na nakita ang Diyos ay nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayanang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito maiiwasan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, nguni’t basta lamang tinatawag Siya na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, nguni’t mukhang naliligid din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paanong ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, talagang walang paraan ng paglalarawan dito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit nag-iisip nang napakatindi, hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Tagapagligtas—Siya ay tatawagin lamang na Manlilikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay matatapos na rin, pagtapos nito, hindi na Siya magkakaroon ng pangalan. Kapag ang lahat ng tao ay sumailalim sa dominyon ng Manlilikha, bakit Siya tatawagin sa labis na naaangkop nguni’t hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Tinatangka mo pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jesus? Makakaya mo bang matiis ang kasalanan ng kalapastanganan sa Diyos? Nararapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangang pamahalaan ang sangkatauhan. Kahit anuman ang tawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kailangan ka ba Niya, isang nilalang, upang pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay ayon sa kung ano ang nauunawaan ng tao at ang wika ng tao, nguni’t ang pangalang ito ay di kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, at Siya ay tinatawag na Diyos, at Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, labis na matalino, labis na mataas, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, labis na makapangyarihan, at wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang ang inyong nalalaman. Sa paraang ito, maaari bang kumatawan ang pangalan ni Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong panahon na.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa bawa’t kapanahunan at bawa’t yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang-basehan, subali’t may taglay na kumakatawang kabuluhan: Bawa’t pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, at ito ay pamimitagan para sa Diyos na sinasamba ng bayan ng Israel. Ang “Jesus” ang kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat niyaong natubos noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung pinananabikan pa rin ng tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa panahon ng mga huling araw, at umaasa pa rin na Siya ay darating sa larawan na Kanyang tinaglay sa Judea, samakatwid ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay titigil sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na makakayang sumulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, kailanman ay hindi na darating, at ang kapanahunan ay hindi na matatapos kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalan na kung saan sa pamamagitan nito ay Aking dadalhin ang buong sangkatauhan sa katapusan. Bagaman ang Jehova, Jesus, at ang Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay tumutukoy lamang sa iba’t ibang mga kapanahunan sa Aking plano ng pamamahala, at hindi kumakatawan sa Akin sa Aking kabuuan. Ang mga pangalan na siyang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi nakakapagpaliwanag nang malinaw ng Aking buong disposisyon at ng lahat-lahat ng kung ano Ako. Ang mga iyon ay iba’t ibang mga pangalan lamang na katawagan sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. At sa gayon, kapag ang panghuling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay dumarating, ang Aking pangalan ay magbabagong muli. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas, kundi tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito wawakasan Ko ang buong kapanahunan.

—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Magbasa nang higit pa: Ebanghelyo ngayong araw

Write a comment

Comments: 0