· 

Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao | Sipi 176

 

Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tungkol lahat sa pagbibigay-kakayahan sa mga tao na makakuha ng mga pakinabang; ito ay tungkol lahat sa pagtatayo sa mga tao; walang gawain na hindi nagiging kapaki-pakinabang sa mga tao. Kahit ang katotohanan ay malalim o mababaw, at kahit ano ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, ito ay kapaki-pakinabang lahat sa mga tao. Nguni’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; ito ay dapat dumaan sa mga tao na nakikipagtulungan sa Kanya. Ito lamang ang daan upang ang bunga ng gawain ng Banal na Espiritu ay makamit. Mangyari pa, kapag ito ay ang tuwirang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito nababahiran kahit kailan; nguni’t kapag ginamit nito ang pamamagitan ng tao, ito ay masyadong nahahaluan at hindi ito ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, ang katotohanan ay nagbabago sa magkakaibang antas. Ang mga tagasunod ay hindi nakakatanggap ng orihinal na kahulugan ng Banal na Espiritu sa halip ay ang pagsasama ng gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahagi ng gawain ng Banal na Espiritu na tinanggap ng mga tagasunod ay tama. Ang karanasan at kaalaman ng tao na tinanggap ay iba’t iba sapagka’t ang mga manggagawa ay iba-iba. Sa sandaling ang mga manggagawa ay magkaroon ng pagliliwanag at gabay ng Banal na Espiritu, sa huli ay nakakaranas sila batay sa pagliliwanag at gabay na ito. Sa loob ng mga karanasang ito ay magkasama ang isipan at karanasan ng tao, pati na ang kabuuan ng pagkatao, kung saan pagkatapos ay kanilang nakakamit ang kaalaman at pagkakita na dapat nilang makamit. Ito ang paraan ng pagsasagawa matapos maranasan ng tao ang katotohanan. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay hindi laging magkatulad sapagka’t ang mga tao ay mayroong iba’t ibang karanasan at ang mga bagay na nararanasan ng mga tao ay iba-iba. Sa ganitong paraan, ang katulad na pagliliwanag ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa sapagka’t ang mga nakatanggap ng pagliliwanag ay iba-iba. May ilang tao na nakakagawa ng maliit na mga pagkakamali sa gitna ng pagsasagawa, at ang ilan naman ay nakagagawa ng malalaking pagkakamali at ang iba’y panay pagkakamali ang nagagawa. Ito ay dahil ang mga kakayahan ng mga tao sa pag-unawa ay magkakaiba at sapagka’t ang kanilang tunay na kakayahan ay magkakaiba rin. May ilang tao na nauunawaan ito sa ganitong paraan matapos marinig ang isang pahayag, at may ilang tao naman na nauunawaan ito sa paraang iyon matapos marinig ang isang katotohanan. May ilang tao na lumilihis nang bahagya; at ang ilan naman ay hindi nauunawaan ang tunay na kahulugan ng katotohanan kahit kaunti. Samakatuwid, kung paano ito nauunawaan ng isa ay ganoon din kung paano niya pangungunahan ang iba; ito ay talagang totoo, sapagka’t ang kanyang gawain ay pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga tao na pinangungunahan niyaong mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit mayroong mga taong may mali sa pagkaunawa, napakaunti lamang sila, at hindi lahat ng tao ay magkakaroon ng mali. Ang mga taong pinangungunahan niyaong may mga mali sa pagkakaunawa sa katotohanan ay siguradong magiging may-kamalian. Ang mga taong ito ay magiging may-kamalian sa lubos na katuturan ng salita. Ang antas ng pagkaunawa sa katotohanan sa gitna ng mga tagasunod ay nakabatay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Nguni’t, ang mga manggagawa ay hindi lubusang tama at hindi masasabing lubusang mapagkakatiwalaan. Kung ang mga manggagawa ay mayroong paraan upang isagawa ang katotohanan na magagamit sa buhay, kung gayon ang mga tagasunod ay magkakaroon din ng paraan ng pagsasagawa. Kung ang mga manggagawa ay walang paraan upang isagawa ang katotohanan sa halip ay mayroon lamang turo, ang mga tagasunod ay hindi magkakaroon ng anumang realidad. Ang kakayahan at kalikasan ng mga tagasunod ay malalaman sa pamamagitan ng kapanganakan at hindi nauugnay sa mga manggagawa. Nguni’t kung hanggang saan ang mga tagasunod ay nakauunawa sa katotohanan at nakikilala ang Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ito ay para lamang sa ilang mga tao). Anuman ang katulad ng isang manggagawa, ito ang magiging katulad ng mga tagasunod na pinangungunahan niya. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, at walang pasubali. Ang mga hinihingi niya sa kanyang mga tagasunod ay ang mga bagay na nais niya mismong makamit o kung ano ang kaya niyang makamit. Karamihan sa mga manggagawa ay humihingi sa kanilang mga tagasunod batay sa mismo nilang ginagawa, kahit na marami dito ay ’di makakamit ng mga tao kailanman. Ang hindi makakamit ng mga tao ay magiging hadlang sa kanilang pagpasok.

 

Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao